1988 noon nang una akong matutong maglako ng sarisaring mga paninda mula sa Binondo at Divisoria. Kasamasama ako noon ni Mamo sa kung saan saang lugar sa kalakhang Maynila upang ibenta ang mga abubot na binili ko sa Divisoria.
Noon ko rin nalaman na marami na palang maglalakong Tayabasin sa iba't- ibang sulok ng Pilipinas,
mayroon sa Isabela, sa Baguio, sa Ilocos, sa Cebu at maging sa Iloilo. Ngunit ang konsentrasyon ng maraming kambaser ay sa Maynila partikular sa Banaue sa may Quezon City. Doon naglulungga ang karamihan sa mga kambaser na nagbuhat sa munting bayan sa Tayabas partikular sa Ipilan at San Isidro ZoneII.
Sa Banaue ko nalaman ang pasikot sikot ng pagtitinda, nagsimula akong magtinda ng mga gamit sa sasakyan mula sa pranela hanggang sa mga tools at ng lumaon ay car cover and accessories. Doon ko nakasalamuha ang mga beteranong kambaser na matagal ng nasa Maynila. ang iba ay yumaman na sa ganoong negosyo at ang iba naman ay nanatili sa kanilang pamumuhay.
Sa Banaue ko nakasama si Arnel QueaƱo bagamat matagal ko na siyang kakilala sa Tayabas, isang masipag na binata na walang pinipiling lugar na pagtititindahan at walang pinipiling paninda. Doon ko nakilala ang iba't ibang uri ng tao, may matino, may tarantado, may matapat mayroong tuso. Subalit sa pagdating ng hapon ay masaya kaming umuuwi sa aming tinutuluyan (sapagkat ng panahong iyon dekada nobenta ay wala pang malalaking mall at supermarket kaya maayos aming kitaaan).Magkakaiba ang aming tinutuluyan mayroon sa Balic- Balic at sa Lerma sa Sampalok subalit ako kasama ni Mamo ay sa Krus na Ligas naninirahan.
Sarisaring area(tawag sa lugar na pinagtitindahan) ang mga kambaser, ang mga taga sona dos ay sa sabungan ang mga taga Ipilan ay sa Banaue at ang mga taga Baguio ay sa kahabaan ng EDSA at Katipunan.
Sa ngayon, lumobo na ang populasyon ng mga kambaser na Tayabasin. Halos lahat ng bagong graduate ng high school ay sumabak na rin sa pagtitinda o pagkakambas. At dumami na rin ang mga pamilihan ng mga paninda. Andyan ng magsulputan ang mga Taiwanese sa ibat ibang lugar kung saaan bumibili ang mga kambaser ng kanilang mga paninda.
Waring ang negosyo ng kambas ay mistulang naging industriya na ng mga Tayabasin.
Subalit ang pagdami ng mga manininda at mga pamilihan ay may epekto na rin sa mga mamimili at sa mga kambaser, nandyan na ang pagbaba ng kalidad ng paninda sapagkat ang kalilimitang lumalabas na produkto ay mula sa China(mura pero mahuna) at kung magkaganoon ay ang pagkonti ng mamimili na nagiging dahilan sa pagbaba ng kita ng mga kambaser.
Padami ng padami ang mga kambaser subalit ang lugar na pagtititindahan ay pakonti ng pakonti sinabayan pa ng patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin at ng langis na direktang nakakaapekto sa bulsa ng mga kambaser.
Nag-organisa na ng ilang samahan upang matugunan ang mga hinaing ng mga kambaser subalit magpasahanggang ngayon ay wala pang kongkretong plano at hakbanging direktang magpapaangat ng kalidad ng pamumuhay ng mga kambaser.
Kailangan ng mga kambaser ang tulong ng mga namumuno sa ating lungsod upang mapagaan ang mga pasanin ng nasabing mga tao. Mahigit 30 porsyento ng mga Tayabasin ay mga kambaser kung kayat ang tuluyang pagbalewala sa hinaing ng mga ito ay magdudulot ng pagkalito at kawalang kumpiyansa sa mga namumuno sa ating bayan.
Sa aking mga kasamahang kambaser.....
Patuloy po tayong umasa na may maayos na bukas pang naghihintay sa atin.
Samahan po ninyo akong maipaabot sa mga kinauukulan ang ating hinaing.
Hanggang dito na po lamang at naway kasihan tayo ng maykapal.
The Long View: Moderate your greed
1 week ago
No comments:
Post a Comment